Isang Araw sa Buhay ng Isang Musikera ng Simbahan

Alas-tres ng madaling araw. Maririnig mo nang tumutunog ang celphone/alarm clock mo.

Ang sarap pa sana matulog, pero ayaw mong ma-late ulit.

Bumangon ka at nanalangin na bigyan ka ng lakas para sa araw na ito ng Panginoon. Naligo pero hindi na muna kumain bilang paghahanda sa Misa at Komunyon. Madalas, problema ang pagpunta sa simbahan dahil sa konti ng bumabyaheng jeep sa oras na ito. Pero sige lang, hanap pa rin ng paraan na makarating sa simbahan.

Minsan, dumating ka sa simbahan na marami nang tao sa labas. Pumunta ka sa sacristy at kumatok. Doon pa lang nagising ang sacristan mayor — puyat din dahil may pagdiriwang din noong gabi bago ang araw na iyon. Dahil konting minuto na lang ang nalalabi bago ang unang Misa, tinulungan mo na siyang magbukas ng simbahan at mag-ayos ng mga gamit pang Misa.

Pag may oras, ituturo mo sa koro ang kakantahing Salmo para sa araw na iyon. Lalawakan mo ang pag unawa mo kapag paulit-ulit ka na nagtuturo. Ganun talaga – patience is a virtue.

Nagsimula na ang Misa. Bilang musikera ng simbahan, kailangan mag focus sa ginagawa mong paglilingkod pero at the same time, bilang Katolikong mananampalataya ay kailangan din mag focus sa Misa — dito ka natuto kung paano maging multitasker, at hindi ka lang natuto, na-develop mo pa pagsabay-sabayin ang mga senses, kamay, paa, at utak mo para lang sa isang gawain. Minsan, sanayan na lang. Madalas, nakakaloka, lalo na pag sintunado si padre at gusto niya na sabayan mo siya.

Swerte mo kung maraming musikero/musikera sa parokya nyo. Pero kahit marami minsan, sasaluhin mo pa ang susunod na Misa, o kaya yung ibang Misa sa ibang oras dahil nakiusap ang kapwa mong musikera/musikero na palitan mo muna siya dahil may gagawin siya o kaya nagkasakit. Naranasan mo na rin tumugtog sa lahat ng Misa ng simbahan nyo – mga 12, kasama na ang simbang gabi dahil yung isa ninyong musikera ay nasa Singapore, at yung isa ay may malubhang sakit nung araw na iyon. Natapos ang araw na hindi mo na nararamdaman ang mga braso mo sa sobrang pagod. Umuwi nang walang kain, at knock out pagkahiga sa kama.

Okey din ang makatugtog sa ibang oras ng Misa. Nakikilala mo ang mga koro na umaawit at nakakasalamuha mo sila sa mga practices. May mga koro na tanggap ka, may mga ayaw sa iyo dahil hindi ka pasado sa panlasa nila. May ilang koro naman na may respeto sa mga musikero, pero iilan lang. Madalas na pagsubok sa kahit kaninong musikero ang practice ng mga koro. May mga darating nang late, may mga nagpapa excuse, may mga pasikat, may mga pa-cute, at meron din na hindi aattend ng practice pero sa event mismo, gusto nila sila mismo ang nasa harapan ng mikropono. May mga magagaling, may mga so-so lang, meron din mga trying hard, pero hindi mo masabi dahil ayaw mong makapanakit ng damdamin. Hindi sa namimili ka ng mga taong gusto mong kumanta, dahil natanim sa mura mong isip nang ikaw ay nagsimulang tumugtog na ang bawat koro na naninilbihan sa simbahan ay tinawag mismo ng Diyos na ayon sa sarili Niyang dahilan.

Hindi lang tuwing Linggo may tungkulin ang isang musikero/musikera ng simbahan. May anim na araw siya para maghanap ng bagong mga kanta para sa mga nalalapit na mga pagdiriwang ng simbahan. Pag nakahanap, pag-aaralan. Pag napag-aralan, magpa-practice. Pag na-practice, pag-aaralan naman ang voicing para maituro sa koro. Pag walang kantang pwede, gagawa ka mismo ng kanta tulad ng mga salmo. Tapos maglalaan ng oras ng practice kung saan pwede ang lahat ng koro. Minsan pa nga, may mga special requests na tumugtog sa mga Misa na either nasa loob o labas ng Simbahan gaya ng kasal o funeral Mass. Ang lahat ng ito ay sasabayan pa ng mga problema gaya ng attitude ng mga koro mo sa Misa at sa iyo, ang kakulangan sa oras ng practice, ang pag-iisip ng pwede nilang gawin para hindi ma-bored sa paglilingkod, at ito’y bukod pa sa problema mo sa bahay o trabaho.

Kung tutuusin, ang mga musikero/musikera ng Simbahan ang naglalagay ng buhay sa Misa. Magpapatuloy ang Misa kahit walang koro o musikero, pero dahil tayo’y lahing mahilig sa mga awit, mas nabibigyang ganda ng musika ang bawat selebrasyon ng Misa. Ngunit kadalasan, kahit anong ganda ang gustong gawin ng musikero/musikera para sa Misa, kahit anong aral ang gawin para mapalawak ang kaalaman para sa paglilingkod, maraming beses na nakakaranas ng pagkutya ng iba, kinaiinisan kapag mahigpit sa mga practice, walang suporta mula sa itaas, hindi naiintindihan ng marami na talento ang puhunan, talento na umuubos ng lakas at yaman para lang maibigay ang nararapat sa Diyos sa bawat Misa, minsan kasama pa dyan ang discrimination sa lalaki at babaeng tumutugtog sa Misa. Minsan pag ganito ang nangyayari, naiisipan mo na lang na tumigil at bumalik sa pagiging “normal” na Katoliko – yung nagsisimba na lang tuwing Linggo at yun na, wala nang paki sa buhay paglilingkod sa Misa.

Pero, hindi ka makaalis-alis sa ganitong paglilingkod kapag sinimulan mo na. Hindi mo kayang iwan yung iilang tao na naniniwala sa iyo. Hindi mo na maalis sa sistema ng katawan yung paggising nang maaga para makapag lingkod sa iilang nagsisimba tuwing madaling araw. Hindi mo na kayang talikuran ang buhay ng pagtuturo ng mga awit sa iba dahil alam mong masaya ka sa ginagawa mo. Hindi mo maitatanggi na sa paglipas ng panahon ay nahumaling ka na sa mga musika ng Simbahan at sa mga aral at turo nito. Hindi mo na kayang pumunta sa simbahan para lang magsimba: gusto mo may ginagawa ka sa Misa dahil napamahal na sa iyo ang sakripisyo ni Kristo. Hindi mo kayang umalis kahit ano pa man ang mangyari dahil ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan para hindi ka umalis. Siya na unang humirang sa iyo para maging musikero/musikera Niya. Siya na sentro ng buhay Katoliko mo. Siya na nakakakita ng lahat ng ginawa mo; Siya na unang naka-appreciate sa mga paghihirap mo sa ministry na ito; Siya na binibigyan mo ng lugod sa bawat Misang tinutugtugan mo; Siya na nakatingin at nakangiti sa iyo bago mo isara ang mga mata mo matapos ang buong araw na paglilingkod mo sa Kanya. Nakangiti dahil hindi mo sinayang ang talento na Siya din mismo ang nagbigay: Talento na ibinabalik mo sa Kanya sa bawat Misa.

Natapos na ang araw ng Linggo. Sa susunod na Linggo ulit o kaya sa susunod na mga araw kikilos ka na naman bilang musikero/musikera ng simbahan. At ito’y patuloy mong gagawin hanggang sa araw na tawagin ka na Niya sa Kanyang sarili, sa Kanyang kaharian.

Sta. Cecilia, Patron ng mga Musikero/Musikera ng Simbahan. Ipanalangin nyo po kami.


Posted

in

,

by

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *